BATAS PARA SA PAGPAPATAYO NG OSPITAL SA QUEZON, PIRMADO NA

Photo: Presidential Communications

John Kenneth Mendoza

Pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11702 na naglalayong makapagpatayo ng Southern Luzon Multi-Specialty Medical Center sa Tayabas, Quezon.

Ang nasabing batas ay akda nina Quezon 4th District Representative Angelina “Helen” Tan at Congressman Mark Enverga na magsisilbing kauna-unahang ospital para sa iba’t-ibang uri ng sakit sa Timog Katagalugan at isa sa magiging apex hospital o end-referral hospital sa lugar.

Ang itatayong ospital ay pamumunuan ng Department of Health upang masiguro ang mahusay, epektibo, at abot-kayang serbisyong medikal.

Samantala, nagpaabot naman ng pasasalamat si Congresswoman Tan kay Pangulong Duterte.

Ayon sa kanya, maraming mahihirap na may sakit ang makikinabang sa pagtatayo ng Southern Luzon MSMC at hindi na umano magsisiksikan ang mga pasyente sa Maynila.

Kasama rin ang mga pasyente ng Bicol Region at Metro Manila sa mga makikinabang sa nabanggit na panukala.