COVID CASES SA LIPA, MULING DUMARAMI

Marlon Luistro

Lipa, Batangas – Matapos na maibaba sa iisang aktibong kaso na lamang ng COVID sa lungsod noong ika-10 ng Abril ay muli na namang dumarami ang kaso ng mga tinamaan ng virus sa nakalipas na mga araw.

Sa ulat ni Mayor Eric Africa noong ika-1 ng Abril, may 12 panibagong kaso ng COVID ang nadagdag habang isa naman ang nagrecover kaya’t pumalo sa 21 ang aktibong kaso sa lungsod. 

Pinakabatang tinamaan ang 27-anyos na lalaking taga-Barangay San Lucas na asymptomatic habang pinakamatanda naman ang  77-anyos na lolong taga-Barangay Halang na wala ring ipinakitang sintomas ng sakit.

Bago riyan, noong ika-20 ng Abril ay may apat na panibagong kaso ang naitala kabilang na ang 2-taong-gulang na batang lalaking taga-Barangay Muntingpulo na asymptomatic.

Sa pangkalahatan ay umabot na sa 12,441 ang kumpirmadong kaso ng COVID sa Lipa City simula magkapandemya, kung saan 21 ang aktibong kaso o mga nagpapagaling pa, 544 ang pumanaw habang 11,846 ang gumaling na sa sakit.

Sa tala ng City Health Office, ang mga Barangay ng San Lucas, San Jose at Tibig ang may pinakamaraming aktibong kaso sa lungsod na may tig-dalawa; habang mayroong tig-iisang kaso naman ang mga barangay ng Balintawak, Marawoy, Plaridel, Talisay, Antipolo del Sur, Latag, Malitlit, Munting Pulo, Sabang, San Benito, Halang, Anilao Labac, Bolbok, Lodlod at Tambo. 

Kasalukuyang nasa Alert Level 1 ang buong lalawigan ng Batangas kabilang na ang Lipa City hanggang ika-30 ng Abril.

Nauna nang nagbabala ang World Health Organization na posibleng umabot sa mahigit 300,000 ang aktibong kaso ng COVID sa Pilipinas sa kalagitnaan ng Mayo kung magpapabaya ang mga tao laban sa COVID-19. 

Mismong ang Department of Health ang naunang nagbabala ng posibleng pagsipa sa mga kaso ng COVID dahil sa pagbaba ng compliance ng mga Pinoy sa minimum public health standards.

Samantala, magpapatuloy naman ang pagbabakuna ng unang dose sa Lipa City para sa edad 18 pataas, gayundin ang booster shot sa nasabing mga edad at pediatric vaccination para sa edad 12 hanggang 17 taong gulang. 

Gaganapin ang pagbabakuna ngayong Biyernes sa may ikalimang palapag ng SM City Lipa.