MAHIGIT 200K TINANGAY NG MGA MAGNANAKAW SA AVON-LIPA

Marlon Luistro

Lungsod ng Lipa, Batangas – Pinasok at pinagnakawan ng di pa nakikilalang mga kawatan ang tanggapan ng AVON Cosmetics, Inc. sa may JP Rizal Street, Barangay 4 ng lungsod na ito kinaumagahan noong ika-20 ng Abril.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Lipa City Police, alas-7 ng umaga nang dumanting ang sekyu na si Ryan Malaso at mapansin niyang pwersahang winasak ang padlock sa rollup door ng tanggapan kayat agad niyang inireport ito sa may ari ng negosyong si Socorro Rampas, na siyang nakipag-ugnayan sa himpilan ng pulisya.

Sa isinagawang inspeksyon sa nasabing establisimiyento ay nabatid na ang perang kinita na nagkakahalagang P254,480.75 na nakalagay sa loob ng vault ay ninakaw. Puwersahan din aniyang binuksan ng mga suspek ang nasabing vault.

Bukod dito’y kinuha rin ng mga suspek ang digital video recorder ng CCTV ng establisimiyento bago tuluyang umalis kasama ang ninakaw na pera.

Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya, kabilang na ang pagreview sa mga CCTV ng katabing mga establisimiyento na posibleng makatulong para matukoy ang mga tumakas na magnanakaw.