
Marlon Luistro at Nicole Urbano
Aabot sa 24 kataong magkakaanak ang sugatan kabilang ang driver matapos na mahulog sa may apat na talampakang bangin ang sinasakyan nilang inarkilang pampasaherong jeep sa Barangay Natipuan, Nasugbu, Batangas kaninang ala-1:40 ng hapon.

Ayon sa Nasugbu police, paahon na ng mga oras na iyon ang jeep na minamaneho ni Dominador Paulino sa matarik na bahagi ng kalsada nang magkaroon ito ng mechanical problem at mabilis itong umatras hanggang sa bumangga sa concrete barrier bago tuluyang mahulog sa nasabing bangin.

Sa lakas ng impact ay bumaliktad ang nasabing jeepney habang nagtamo naman ng mga sugat at bali sa katawan ang driver at mga pasaherong sakay nito.
Pinakabata sa nasugatan ang dalawang taong gulang na batang lalaki habang pinakamatanda naman ang 71 anyos na lolong si Dionito Guillermo.

Galing ng outing ang magkakaanak na kapwa pauwi na ng Silang, Cavite nang mangyari ang aksidente.
Lumalabas na overloaded ang nasabing jeep na ayon sa mga opisyal ay isa sa mga dahilan kung bakit nahirapan ito pag-ahon.

Sa mga oras na ginagawa ang balitang ito wala pa namang naitatalang namatay sa insidente.
Dinala na sa Jabez Medical Center at Apacible Memorial Hospital ang mga nasugatang biktima, kabilang na ang driver ng jeep na nagtamo ng collar bone fracture.

Ang ilang mga hindi naman napuruhan sa aksidente ay pansamantalang kinupkop ng pamunuan ng Barangay Natipuan habang hinihintay ang kanilang sundo.
Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.