BAGONG PAYOUT SYSTEM NG TUPAD PROGRAM INILUNSAD

Photos: DOLE-Rizal Provincial Office

Mary Rose Isla

Inilunsad ng Department of Labor and Employment Rizal Provincial Office ang bagong payout system para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program nitong 21-22 ng Abril 2022.

Sa tulong ng Universal Storefront Services Corporation (USSC), nasubukan ng DOLE-Rizal ang kahusayan ng financial management system na ginagamit ng USSC sa dalawang araw na pagbabayad ng mga suweldo sa kabuuang 2,619 TUPAD beneficiaries na ginanap sa Rodriguez, Rizal.

Pinangunahan ng DOLE-Rizal ang validation of identity ng mga benepisyaryo bago sila tumuloy sa USSC booth. Ang nasabing remittance partner ang humawak ng pamamahagi ng mga suweldo on-site sa halip na ang karaniwang set-up kung saan ang mga benepisyaryo ay kailangang mag-claim ng pera mula sa mga partner remittance centers.

Bukod sa validation na isinagawa, ginagamit ng USSC ang kanilang Online Stand-alone Storefront System (O3S) na naaayon sa mga pangangailangan ng Departamento para sa payout. Sa sistemang ito, ang USSC ay nangangalap ng karagdagang detalye mula sa mga benepisyaryo upang matiyak ang kanilang pagkakakilanlan. Ang remittance partner ay kumukuha ng mga larawan ng mga benepisyaryo, kanilang government-issued IDs at nangongolekta din ng kanilang mga digital signature.

Kaugnay nito, bawat benepisyaryo ay tumanggap ng Php 4,000.00 matapos ang kanilang sampung araw na serbisyo sa komunidad sa kani-kanilang lokalidad.

Ibinahagi ni DOLE-Rizal Provincial Director, Marivic B. Martinez na patuloy na gagamitin ng opisina ang ganitong paraan ng pagbabayad upang maiwasan ang mga scam.