2 PATAY SA PAMAMARIL SA CANDELARIA

Ylou Dagos

Dalawang lalaki ang nasawi matapos na ang mga ito ay pagbabarilin ng mga hindi nakilalang suspek habang sakay ng motorsiklo sa Candelaria,  Quezon Linggo ng hapon.

Kinilala ng Candelaria police ang mga biktima na sina Antonio Ilagan,   32 anyos,  at Ericksel Canchella, 27 anyos,  parehong taga Barangay Concepcion 1, bayan ng Sariaya.

Batay sa report ng Candelaria police,  bandang 3:30 ng hapon nang pagbabarilin ang dalawa habang magkaangkas sa motorsiklo at tinatahak ang barangay road sa Barangay Mangilag Sur,  Candelaria.

Sa panayam kay PCol.  Arnulfo Selencio,  hepe ng Candelaria police, bago nangyari ang krimen,  nag-iinom ang mga biktima sa kanilang barangay nang biglang magpaalam ang mga ito at sumakay sa motorsiklo.

Hindi nagtagal,  natagpuan ang dalawa na kapwa wala ng buhay sa crime scene na karatig lamang ng barangay ng mga biktima.

Ayon kay Selencio,  posibleng may tumawag sa cellphone sa dalawa at inutusan na magtungo sa nasabing lugar sa hindi malamang dahilan.

Walang nakasaksi sa pangyayari dahil sa ilang na lugar at walang mga kabahayan sa pinangyarihan ng krimen.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng Candelaria police at inaalam ang motibo sa krimen at kung sino ang mga suspek.

Inaalam din ang pagkatao ng dalawang biktima.

Narekober sa crime scene ang mga basyo ng kalibre 45 baril at super 38 caliber na hinihinalang ginamit sa krimen.