PAGDAMI NG CROWN OF THORNS, BINABANTAYAN SA BATANGAS COASTAL AREAS

Photo DENR 4A

John Kenneth Mendoza

Nagsagawa ng pagpupulong ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas at Tourism and Environment Stakeholders patungkol sa pagdami ng crown of thorns sa coastal areas ng probinsya nitong Abril 20, 2022.

Pinangunahan ito ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office at tumayong resource speaker si Mr. Luis Awitan, department head ng Provincial Government Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO).

Ang “taeng kalabaw” ay isang fast-growing species ng starfish na kumakain ng corals. Ito ay may karaniwang sukat na 30 hanggang 40 sentimetro at maariang lumaki hanggang 70 sentimetro. Nagtataglay ito ng mahahaba, matutulis at nakakalasong tinik kaya tinaguriang crown of thorns.

Ayon kay Awitan, ang paminsan-minsang outbreaks nito ay nakakatulong sa pagtaas ng coral diversity, ngunit ang madalas at tuloy-tuloy na outbreaks ay maaaring magdulot ng malawak na pinsala.

Sinabi rin nito na nahahati sa tatlo ang monitoring ng status. Nasa outbreak status ang mga dagat ng Lian, Mabini, San Luis, Tingloy at Batangas City. Kabilang naman sa presence status ang Bauan, San Juan, at Taal, at no presence naman ang Balayan at Lobo.

Ang mga pamahalaang lokal ng Calatagan, Nasugbu, Lemery at Tingloy ay hindi pa nakakapagsagawa ng monitoring sa kanilang coastal areas.

Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng PG-ENRO sa mga pamahalaang lokal patungkol dito.