CHAIR NG ROBREDO PEOPLE’S COUNCIL SA QUEZON 5 ARAW NA NAWAWALA

Tina Ganzon-Ozaeta

Habang abala sa paghahanda ang mga volunteers ni Presidential Candidate VP Leni Robredo sa kanyang pagbisita sa lalawigan ng Quezon bukas, April 28, limang araw na nawawala ang chair ng Robredo People’s Council (RPC) sa bayan ng Candelaria.

Umalis ang 57-anyos na si Dante Gatdula sa kanilang tahanan alas-siete nang umaga noong Sabado, April 23, at hindi pa nakakauwi mula noon.  Maliban sa pagiging chair ng RPC, si Gatdula ay nagsilbi ring chair ng Akbayan Candelaria.

Ayon sa kanyang asawang si Betsie, nagpaalam si Dante na aalis para umattend ng meeting na sa kanyang pagkakaalam ay may kinalaman sa kanyang responsibilidad bilang pinuno ng RPC.

“Busy sya sa pag-aasikaso sa general rally sa April 28 sa Lucena.  Sya ang naghahanap ng mga sasakyan ng mga pupunta mula Candelaria at mga poll watchers,” kwento nito.

Nakasanayam umano ni Dante na umuwi tuwing tanghali upang kumain kasama sila, ngunit noong araw na iyon ay isa umanong text message ang natanggap ni Betsie mula sa kaklase ni Dante – “Puntahan nyo ang misis ko at ihingi nyo ako ng tawad at wala na ako at paalam.”

Kinumpirma nito na nanggaling sa cellphone number ng asawa ang text message ngunit hindi na umano nya ito ma-contact.

Kinabukasan ay agad ipinatala ni Betsie ang pagkawala ng asawa sa Candelaria PNP ngunit ayon kay PSMS Pedrito Mendoza ay wala pang progress ang kaso sa ngayon.

Nakakatanggap rin umano sya ng mga text message mula sa mga taong nagsasabi na nasa kanila si Dante.

“May nagmemessage, ‘di ko nirereplayan, di ko alam ang totoo.  Gusto ko makausap ang asawa ko kung talagang nasa kanila. Habang tumatagal nahihirapan ako, walang linaw,” dagdag pa nito.

“Nananawagan ako na sana kung sino ang nakakita at nakakakilala sana maawa at mahabag sila sa amin kasi napakabait nyang tao, wala syang pinipiling pinakisamahan. Sana makabalik sya ng maayos at sana kung saan man sya naroroon ligtas sya,” panawagan ni Betsie.

Ang sinumang may impormasyon tungkol kay Dante Gatdula ay maaaring tumawag sa mga susunod na numero:

0961-3450157 (Betsie)

0927-8847153 (Betsie)

0939-8510709 (Keith)

(042) 719 1766 (Landline)