BULLY NA KAINUMAN,  PATAY SA SAKSAK

Ylou Dagos

Patay ang isang lalaki matapos na ito ay masaksak ng kainuman na kanyang inasar sa Biñan City, Laguna Sabado ng gabi.

Idineklarang dead on arrival sa Ospital ng Binan ang biktimang si Edzel Ducanes dahil sa tama ng saksak sa leeg.

Batay sa imbestigasyon ng Binan City police,  nakikipag inuman ang suspek na si Allan Fuentes sa kaibigang si Roel Vistan sa kanilang lugar sa Barangay Sto Domingo,  nang dumating at makisali ang biktima.

Subalit nang nakakainom na,  hinamon at pinagtripan ng biktima ang suspek na nauwi sa kanilang mainit na pagsasagutan.

Umuwi sa bahay ang suspek subalit bumalik ito na armado na ng patalim.

Agad nitong sinugod ang hindi na nakaiwas na biktima at inundayan sa leeg.

Nalagutan ng hininga ang biktima bago pa man ito naisugod sa ospital samantalang naaresto naman ang suspek sa follow up operation ng pulisya.