BADYET SA AGRIKULTURA, DOBLEHIN – AGAP

Marlon Luistro

Lungsod ng Lipa, Batangas – Nanawagan si Agricultural Alliance of the Philippines (AGAP) Partylist 1st nominee Nikki Briones sa susunod na mahahalal na pangulo ng Pilipinas na doblehin ang badyet ng agrikultura.

Yan ay para matiyak na magkakaroon ng food security o sapat na pagkain para sa pamilyang Pilipino. 

“Tayo ang may pinakamagandang klima, pinakamalawak na lupain ng pwdeng gawing agrikultura. Ang dagat natin ang kaliwat kanan, may 7000 islands tayo bakit tayo parang nagkukulang sa isda at sa lahat ng pondong agrikultura pagkat pinababayaan ng gobyerno,” ani Briones sa ginanap na press conference sa Lipa City noong ika-2 ng Mayo.

“Hindi lang ang gobyernong ito. Ito na ang pinakaworst pero lahat ng series of administration simula nang 2001 nang akoy lumaban dito para sa magsasaka ay wala akong nakitang tunay na nagmahal sa ating sektor ng agrikultura. Ang hindi nila pagmamahal sa ating agrikultura ay parusa sa lahat ng pamilyang Pilipino,” dagdag niya.

Sa nasabing pulong-balitaan, ipinunto ni Briones na mula sa P5 trilyong budget ng pamahalaang nasyunal ngayong taong 2022 ay 1.5 porsyento lamang na katumbas ay mahigit kumulang P75 billion ang nakalaan sa Department of Agriculture, na karamihan ay nakalaan pa para sa farm-to-market roads.

Kung ikukumpara aniya sa Vietnam ay 6.2 porsyento ng kanilang taunang badyet ay nakalaan sa agrikultura ay kita na ang pagkakaiba.

“(Nasa) 75 (bilyong piso) ang (budget ng) Pilipinas, 310 billion ang Vietnam so kitang kita mo naman ang epekto. Tayo nagiimport sa Vietnam ang Vietnam nageexport sa ibat ibang bansa ng kanilang produktong agrikultura. Kaya makikita mo napakalayo na natin,” dagdag ni Briones.

“Maniwala kayo next year the following years pag ang president ay susunod hindi inasikaso ang agrikultura, mas maraming maghihirap na magsasaka mas maraming pamilyang Pilipino ang maghihirap.” ani Briones

Lumalabas din aniyang tila hindi prayoridad ng kasalukuyang administrasyon ang agrikultura lalot mula sa dating pangatlong pinakamataas na pondo kasunod ng DPWH at DepED noong 2001 ay pang-10 na lamang ang agrikultura.

Kasunod ng nangyaring pandemya na sinamahan pa ng problemang dulot ng African Swine Fever, ng smuggling at walang katapusang importasyon ay nakaranas ng pagkalugi ang mga mag-aalaga ng baboy at manok.

Isang halimbawa aniya ang sisiw na binili sa halagang P32 kada kilo ay nabebenta na lamang sa P25 kada kilo pagka lumaki na. Ang puhunan aniya sa pagpapapalaki ng isang buhay na manok ay P80 kada kilo kayat kulang kulang P55 ang lugi pag ibinenta ito sa kasalukuyang P25 kada kilong presyo. 

Kung ibabatay sa dami ng mag-aalaga ng manok sa buong Pilipinas ay P50 billion na kaagad ang lugi kada harvest sa nasabing kalakaran.

Dahil lugi sa benta ay inasahan na, ani Briones, na magbabawas ng alagaing manok ang mga nagpapalaki na isa nang naging dahilan ng pagkukulang sa supply ng manok at pagtaas ng presyo nito.

Pero di lamang mga negosyante ang apektado kundi maging ang mga ordinaryong mamamayan ay apektado ng nararanasang kakulangan sa suplay ng pagkain lalo’t halos dumoble na ang presyo ng baboy mula sa dating P200 kada kilo patungong P380 hanggang P400 pati na ang manok na dating P100 kada kilo na ngayoy P180 hanggang P200 na at lahat ng itoy nangyayari habang hindi naman tumataas ang sahod ng mga manggagawa.

Para kay Briones, higit na kinakailangan ngayon ng boses ng mga magsasaka sa Kongreso lalot malamang kaya binabalewala ng DA at ng gobyerno ang kanilang mga daing ay dahil tingin nila ay kokonti lamang ang boses na kinakatawan nito. 

“Pag nagsalita ka alam ko kung ang boto ay 3 million pag nagsalita si Nikki Briones ay 3 million ang nasa likod ko.  Hindi pwedeng di nila pakikinggan,” ani Briones.

Sa kabila nito’y hindi pa rin nawawalan ng pag-asa si Briones sampu ng AGAP Partylist na patuloy nilang ipaglaban ang karapatan ng mga magsasaka.

“Ang sabi ko nga, di naman pwedeng mawalan kami ng pag asa. Dahil pag kami ang nawalan ng pag-asa at tumigil na, dahil unang una yan ang hanapbuhay namin. Marami nating kaibigan at kasama mga kooperatiba ay nasa agrikultura. Pag kamiy tumigil sino pa ang makikipaglaban para sa sektor natin para sa pamilyang pilipinong nahihirapan sa pagkain. Lalong mawawalan ng pag asa ang mga magsasaka. Pag nangyari yon tapos tayo,” pagwawakas niya.