FINAL TESTING AT SEALING NG VOTE COUNTING MACHINES ISINAGAWA SA BATANGAS CITY

Photo Courtesy: Palakat Batangas City

Stefhanie Loraine Ramos

Bilang paghahanda sa nalalapit na 2022 National and Local Elections,  nagsagawa ng  final testing at sealing (FTS) ng vote counting machines (VCMs) sa mga polling centers  sa lungsod ngayong May 4.  

Layunin ng FTS  na  masigurong gumagana ng maayos ang makina upang maiwasan ang anumang uri ng aberya gaya ng pagkaantala o pagkasira ng VCM sa mismong araw ng eleksyon.

Ayon sa Comelec kahit dumaan na sa preliminary  logic accuracy test ang mga makina, kinakailangan pa din na dumaan ang mga VCM  sa FTS. 

Sa nasabing aktibidad, binuksan  at ininstall ng electoral board ang mga makinang gagamitin sa automated elections at siniguro  kung kumpleto ang mga kagamitan gaya ng thermal paper, at adaptor ng VCM pati pen na gagamitin ng mga botante.

Kasama rito ang initialization report na nagpapatunay na ‘zero’ o wala pang laman ang VCM bago gamitin.

Photo Courtesy: Palakat Batangas City

Matapos ang pagsasagawa ng buong proseso, ibabalik sa zero ang VCM at muli itong seselyuhan  at saka  bubuksan sa araw ng halalan.

Mula sa  339 VCM’s, lima dito ang depektibo at  for replacement. 

Ang mga ito ay sa barangay Poblacion 10, Maapaz, Mahacot, Dela Paz at Pallocan West.    

Kaagad itong ginawan ng report ng mga Board of Election Inspectors (BEI) at isinumite sa COMELEC. 

Binigyang diin ni City Election Officer Att. Jonathan Carungcong 90% na ng mga VCM’s ang natest at  nakipag-ugnayan na sila sa kinauukulan at sinigurong mapapalitan ang mga makina sa loob ng 24 oras.

“Kapag may problema sa SD card, dadalhin namin ito sa Provincial Election Supervisor (PES) at kapag VCM naman, ididiretso namin sa Sta Rosa,”sabi ni Atty. Carungcong.    

Magpapatuloy ang FTS  sa buong bansa hanggang sa May 7.

Bukod sa mga VCM’s , naideliver na din ang  mga official ballot na gagamitin sa eleksyon  sa Treasurer’s Office. 

Hinikayat niya ang  220, 199 registered voters sa Batangas City na bumoto at hangad niya ang isang honest at peaceful election sa lungsod.