MGA LABI NG 5 BATA NA NALUNOD SA TAAL, NAREKOBER NA

Photo from PCG Batangas

Narekober na pasado alas-9 ngayong umaga ang labi ng limang bata na nalunod sa Taal lake kahapon.

Ayon sa report ng Batangas Police Provincial Office, pasado alas dose ng tanghali kahapon nang mag-swimming ang limang bata sa lawa sakop ng Brgy. Sala sa bayan ng Balete, Batangas.

Isang testigo umano ang nagsabi na maya-maya lamang ay biglaang naglaho ang mga bata, pawang mga minor na edad 7-12, lahat ay residente ng Sitio Sto. Toribio, Brgy. Marauoy, Lipa City.

Kaagad nagsagawa ng search and rescue operation ang lokal na kapulisan kasama ang mga miyembro ng Municipal Disaster Risk Reduction Office at Philippine Coastguard.

Bandang alas tres kahapon, tumulong na rin sa search and rescue ang Philippine Airforce, Lipa City Disaster Risk Reduction and Management Office (LCDRRMO), Batangas City Risk Reduction and Management Office (BCDRRMO), Batangas Provincial Risk Reduction and Management Office (BPRRMO), Balete Bureau of Fire Protection (BFP), Balete Rural Health Unit, Local Government Unit at ilang local divers.

Pasado alas-5 ng hapon kahapon nang marekober ang labi ng dalawang bata.

Pansamantalang itinigil ang paghahanap alas-9 ng gabi at itinuloy kaninang 6:00am.

Bago mag alas-10 kaninang umaga ay narekober na rin ang labi ng 3 pang bata.