GUARANTEE LETTER BILANG PAMBAYAD SA MGA OSPITAL SA LIPA, IBABALIK NI SABILI

Meynard Sabili

Marlon Luistro

Lungsod ng Lipa, Batangas – Sakaling muling mahalal na mayor ng Lipa City ay binabalak ni dating Mayor Meynard Sabili na ibalik ang “guarantee letter” sa mga kababayang walang pambayad sa pagpapagamot sa iba’t-ibang mga ospital sa lungsod.

Ang guarantee letter ay iniisyu ng Lipa City government at iba pang mga tanggapan ng gobyerno sa mga hospital at health facilities para akuin ang pagkakautang ng partikular na halaga na sinisingil mula sa pasyenteng pinagserbisyuhan nito.

Bukod sa Lipa City government ay nag-iisyu rin ng guarantee letter sa mga partner hospitals sa mga kababayang  kwalipikadong tumanggap ng medical assistance ang tanggapan ng Department of Social Welfare and Development, Philippine Charity Sweepstakes Office, pati na ang mga tanggapan ng Senador, Kongresista at Office of the President, at iba pang mga sangay ng gobyerno.

Sa panayam ng Frontpage Online News para sa programang Tapatan sa Halalan, sinabi ni Sabili maraming mga kababayang Lipenyo ang nagkakasakit. Yun nga lamang ay di sila makapagpagamot dahil wala silang bayad pampaospital.

Kumpara noong panahon niya kung saan malaki aniya ang inilalabas na pondo ng lungsod para sa medical assistance ay giniit niyang nawala aniya ang guarantee letter sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ni Mayor Eric Africa.

“Binabayadan ko ang mga premium contribution ng mga tao. So ang mga taong nagkakasakit mayroong coverage ng Philhealth. Eh ngayon wala. Pati functionaries ng barangay wala. Pero noon, ang dami. Pinakamababa ay 50,000 members (sic). Pamilya yon,” aniya.

Kayat sakaling muling mahalal sa pwesto ay tinitiyak niyang muli niyang ibabalik ang guarantee letter para tiyaking makapagpapagamot ang mga maysakit na taga-Lipa ng walang binibigay deposit sa ospital at makalalabas ng ospital ang mga maysakit.

“Tatawagan ko lahat ng ospital ng Lipa at ibabalik ko yung guarantee letter na lahat ng magpapagamot kahit walang deposit ay kailangan ay tanggapin pero sagot ng Lipa, ng gobyerno,” tugon ni Sabili sa katanungan kung anong plano niyang gawin sa lungsod ng Lipa sa loob ng unang 100 araw sakaling maupong mayor.

Si Sabili na nanungkulang mayor ng Lipa City sa loob ng siyam na taon at Undersecretary ng Department of Human Settlements and Urban Development, ay tumatakbo muling mayor ngayong May 2022 elections sa ilalim ng Partido ng Masang Lipenyo laban kay incumbent Lipa Mayor Eric Africa at Retired General Nestor Sanares.