ISYU NG MAHIGIT P100 MILYONG CASH ADVANCES SA LIPA CITY HALL, SINAGOT NI MAYOR AFRICA

Lipa City Mayor Eric Africa

Marlon Luistro

Lungsod ng Lipa, Batangas – Mariing pinabulaanan ni Mayor Eric Africa ang mga paratang na di umanoy may iregularidad at ibinulsa niya ang mahigit  P100 milyong perang kinash advance ng ilang mga empleyado ng Lipa City Hall nitong Marso 2022.

Sa panayam ng programang Balitang Lipa ng Citibeat 102.3 FM radio noong Miyerkules, sinabi ni Africa na walang katotohanan ang mga paratang at pawang paninira lamang ito ng kanyang kalaban sa pulitika.

Paliwanag ni mayor, regular na transaksyon na sa gobyerno ang cash advance at kaya iyon ginawa ay para mas mapadali ang pamamahagi ng quarterly allowances sa mga senior citizens at iba pang benepisyaryo.

“Halimbawa ho tayo. Meron tayong 100,000 beneficiaries. Pag ho yan ay isa isang binigyan natin ng tseke, (ay) 100,000 ang pupunta sa Landbank. Hindi po pupuwedeng mangyari yan. Ginawa po natin ay direktang serbisyo. Tayo ho mismo ang bumababa sa mga tao bitbit po ang cash advance,” ani Africa.

“Every quarter ay tayo po ay nagkacash advance at pinamimigay sa tao at yan poy alam ng mga tao kasi yan ay may voucher silang kailangang pirmahan. Yan po’y payroll type. Kung ikaw ay senior citizen tatanggap ka ng P1500 ibibigay sa iyo ang P1500. Ganun po ang sistema po diyan. Kaya lamang syempre po ay pulitika ay ginagamit po nila,” dagdag niya.

Samantala, sa  parehong programa ay nilinaw din ni Africa na walang notice of disallowance na inilabas ang Commission on Audit (COA) sa ilalim ng kanyang panunungkulan kung ikukumpara sa nagdaang administrasyon kung saan aniya ay umabot sa mahigit P555 milyon ang inilabas na COA disallowance batay na rin sa mga dokumentong inilabas ng COA.

Giit ni Africa, nangangahulugan lamang aniya ito na “walang mga iligal, iregular at marangya na paggastos sa pondo ng lungsod ng Lipa at iningatan ang paggamit ng pera ng taumbayan.”

“Ang tinatanong ko po sa kanila, pag singdami lang naman ng pera during their term and my term. Wala po silang kinailangan sa pandemic bakit hindi po nila ginawa during their term? Saan nila dinala ang pera? Yun lang po ang gusto ko pong malaman,” buwelta ni Africa.

Nauna rito’y binanggit ni Bernadette Sabili, na asawa ng katunggali ni Africa na si dating Lipa Mayor Meynard Sabili, sa nakaraan nilang proclamation rally ang di umanoy kwestiyonableng pagcash advance ng ilang mga empleyado ng Lipa City hall, na umabot ng milyong piso ang halaga lalot hindi aniya malinaw kung saan napunta ang perang kinash advance.

Kabilang sa mga pinangalanan niyang empleyado ng city hall na nagcash advance noong Marso 2022 ay sila Rochelle Catindig, Melany Aguila,Wilfredo Rivera, Dexter Recio, Philip Ulep at Mary Ann Gutierrez.

Umabot sa P116,907,000 ang kabuuang halagang naicash advance, ayon sa alegasyon, na ipinalabas din sa Facebook video na iniupload ng isang Bonbonie San Pedro. Kinwestiyon din sa nasabing video kung bakit pinayagang makapagcash advance ang mga co-terminus na empleyado sa city hall, na ayon sa uploader ay nangyari dahil may basbas aniya ng mayor.

Pero sa inilabas na statement of cash advance granted and liquidated for period January 1 to March 31, 2022 na pirmado ni City Accountant Belen Villanueva at iniupload sa Lipa City PIO FB page noong ika-28 ng Abril, ay nakasaad na naliquidate na lahat ng nasabing cash advance at nairefund na ang mga kinakailangang irefund na pera ng mga nagcash advance noong ika-22 ng Marso.

Nakasaad din na ang mga kinash advance na pera ay ginamit para pambayad ng College Educational Financial Assistance sa 2nd semester taong 2021 – 2022; bayad para sa College and Senior High School Educational Financial Assistance para sa 2nd semester taong 2021-2022; bayad para sa local pension ng senior citizens mula Enero hanggang Marso 2022; bayad para sa Extended Benefit Assistance – Aid to transport sector, mga benepisyaryo ng KASAMA at LINGAP Lipa at allowance ng barangay functionaries para sa 1st quarter ng 2022. Habang ang iba namay ginamit para sa 1st quarter 2022 allowance ng Persons With Disabilities, Solo Parent, Kasapi at Senior Citizens pati na ang bayad para sa programang Tugon sa Edukasyon para sa 1st quarter ng 2022.

Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 23 series of 2019 ng Civil Service Commission na ang isang cash advance ay “settled” at liquidated sa pamamagitan alinman sa pagbabalik ng perang inadvance pag hindi ito nagamit o pagpepresenta ng regularly accomplished vouchers at pagbibigay ng satisfactory na detalye ng mga bagay na binayaran na dapat alinsunod sa layunin kung saan ipinagkaloob ang cash advance at karagdagang suportado ng mga wastong resibo at iba pang ebidensya ng pagbabayad, napapailalim sa resulta ng post audit nito ng kinauukulang auditor.

Nakasaad din sa nasabing polisiya na abswelto mula sa anumang administrative liability ang accountable officer na matapos ang formal demand ng state auditor o Audit Team Leader na makakapagsagawa ng full liquidation, settlement o payment ng cash advance sa loob ng prescribed period na may sapat na basehan at walang nagpapalubha na pangyayari.

Habang ang accountable officer naman na matapos ang formal demand ng State Auditor o Audit Team Leader ay gumawa ng partial liquidation ng cash advance ay maaaring mapanagot sa Simple Neglect Of Duty at maaaring maparusahan ng suspensyon sa pagseserbisyo sa gobyerno ng isang buwan at isang araw bastat makakasunod ito sa nakasaad na kondisyon sa CSC memorandum.