3 NAMBUGBOG AT DUMUKOT SA BARANGAY CAPTAIN SA LEMERY, ARESTADO

Marlon Luistro

Lemery, Batangas – Inaresto ng pulisya ang tatlong kalalakihang umanoy nambugbog at dumukot kay Barangay Chairman Tirso Endaya ng Barangay San Isidro Itaas.

Kinilala ang mga suspek na sila Mernick Azares, 24, taga-Barangay Ayao-iyao; Moises Gutierez 22, taga-Baranggay Sta. Elena, San Pascual; at Romeo Mendoza, taga-Barangay Alalum, San Pascual.

Sa inilabas na pahayag ng Lemery Police, bandang alas-12:40 ng madaling araw nang dumating sa himpilan ng pulisya ang nasabing mga suspek kasama ang sugatang lalaking kinalauna’y nakilalang si Endaya, na dinala nila dahil umano’y namimilil ng boto.

Ilang minuto lamang ang nakalipas ay dumating ang misis ni Kapitan Tirso na si Cherry Endaya at iniulat na dinukot ng mga armadong lalaki sakay ng silver gray na SUV ang kanyang mister. 

Pero laking gulat na lamang ni Gng. Endaya nang makita ang nasabing sasakyan sa mismong himpilan ng Lemery Police na batay sa description ay siyang tinutukoy niya ring ginamit ng mga dumukot na suspek sa kanyang asawa. 

Ito rin ang naging pahayag ng pulisya na siyang nagdala rin kay Kapitan Tirso sa himpilan.

Sa patuloy na pagsisiyasat ng mga pulis, lumalabas na ang tatlong lalaking nagdala kay Kapitan Tirso sa police station ay sila din pala ang dumukot at nanakit sa kanya. 

Ayon sa salaysay ng barangay chairman ay makailang beses siyang pinalo ng baril sa ulo at pilit na pinaamin na namimili siya ng boto kahit na hindi naman totoo.

Sa puntong iyon ay inaresto na ng pulisya ang tatlong suspek, na ngayoy nakapiit sa temporary detention cell ng Lemery Police Station at nahaharap sa patong patong na reklamo.

Samantala dinala naman sa Metro Lemery Medical Center sa Barangay Palanas si Chairman Endaya para maipagamot sa mga tinamo niyang sugat. 

Nasa kustodiya na rin ng pulisya ang SUV na ginamit sa pagdukot kay Kapitan Tirso.

Ang Lemery ay kabilang lamang sa 12 lugar sa Batangas na naunang idineklarang election hotspot ng Batangas provincial police office. 

Naglalaban sa pwestong pagka-mayor ng nasabing bayan sila Ian Alilio ng Nacionalista Party at Evelyn “Nene” Bendana ng Nacionalist People’s Coalition.

Si Alilio ay anak ng yumaong dating Lemery Mayor Eulalio “Larry” Alilio habang si Evelyn naman ay asawa ng yumaong Raul Bendana, na dati ring mayor ng nasabing bayan.

Kinundena naman ng kandidatong si Alilio ang nasabing pagdukot at pananakit kay Kapitan Tirso.

“Mga minamahal kong kababayan, sigaw po natin ay hustisya hindi lamang po kay Kapitan Tirso Endaya kundi sa bawat mamamayang Lemereño at lingkod-bayan na ngayon ay tinatakot at hina-harass alang-alang sa halalan,” ani Alilio sa inilabas na pahayag sa  kanyang official FB page noong ika-5 ng Mayo.

“Walang puwang sa ating mapayapang bayan ang ganitong klaseng karahasan.”dagdag niya. 

Wala pa namang inilalabas na pahayag ang kampo ni Bendana sa nasabing insidente.