COMELEC, TINIYAK ANG SEGURIDAD NG POWER SUPPLY SA DARATING NA HALALAN 2022

Jennica D. Escrupulo

Tiniyak ng Commission on Elections (COMELEC) Region 4-A ang seguridad ng power supply sa rehiyon kung saan walang magaganap na brownout sa darating na Halalan sa Lunes, Mayo 9.

Ayon kay Atty. Rafael B. Olaño, Comelec Region 4A Regional Election Director, walang dapat ikabahala ang publiko dahil sapat ang paghahanda ng ahensiya upang masiguro na walang magaganap na power outage sa araw ng halalan.

Dagdag pa niya, nagsimula rin makipag-ugnayan noong nakaraan pang taon ang Comelec sa Department of Energy (DOE) at mga pribadong kumpanya na nagsu-supply ng kuryente sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

“Sa ating level, ang ating mga field officials ay inatasan ding makipag-usap sa ating mga service providers ng electricity kasama na ang NGCP [National Grid Power Coroporation], DOE, at mga private companies gaya ng Meralco at iba pang electric companies na kung pwede ay huwag silang magkakaroon ng repair during the election period, 5 days before and 5 days after the election day.”

Samantala, nagpaabiso rin si Olaño kung sakaling may repair ang mga electric companies ay isagawa na ito bago ang eleksyon nang sa gayon ay magkaroon ng sapat na supply ng kuryente at hindi ito maantala sa mismong araw ng eleksyon.

Nakipag sanib-pwersa din aniya ang Comelec sa Philippine National Police (PNP) upang mapanatili ang seguridad ng mga sub-stations at towers ng NGCP laban sa mga indibidwal o grupo na may intensyong sirain ang mga ito upang guluhin ang halalan.

“Nakalatag na po itong lahat and we are hoping that because of this preparation ay hindi tayo magkakaroon ng pagkakawala ng kuryente during the election day,” paliwanag ni Olaño.