DISQUALIFICATION CASE ISINAMPA LABAN SA MAG-ASAWANG DIMACUHA-MARIÑO

“We always get that every election. I expected that. There will be an official answer to their complaints.”  Ito ang naging sagot ni Batangas district representative Marvey Mariño sa isinampang disqualification case laban sa kanya at sa asawang si Batangas City Mayor Beverly Dimacuha-Mariño.

Sa dokumentong ipinadala sa Frontpage Online News, May 4 nang magsampa ng pormal na reklamo si Carlito D. Bisa at Eduardo G. Garcia sa legal department ng Commission on Elections (COMELEC) sa Maynila. 

Si Bisa ay kalaban ni Mariño sa pagka-kongresista at si Garcia naman ay kalaban ni Dimacuha-Mariño sa pagka-Mayor.

Ayon kay Bisa, maaaring masayang ang boto sa mag-asawa sapagkat kahit umano manalo ay posibleng hindi maiproklama ang dalawa.

“Pamimili ng boto ang ginagawa nina Mariño gamit ang programa sa scholarship at pamamahagi ng TUPAD ng DOLE kung saan isinisingit nila ang pangangampanya gamit ang salapi at ari-arian ng gobyerno. May mga patunay ring maging ang pagbyahe para sa materyales at tao upang mangampanya ay ginagamit rin ang speed boat ng Lungsod para sa disaster operation,” ani Bisa. 

Kalakip ng reklamo na isinampa nina Bisa ang mga nakalap nilang ebidensya upang suportahan ang kanilang mga paratang.