MAHIGIT 3,000 MGA PAARALAN, INIHANDA NA PARA SA DARATING NA ELEKSYON

Jemina Marie Daplin

Humigit-kumulang 3,304 na mga paaralan mula sa iba’t-ibang munisipalidad sa CALABARZON na gagamitin ng Commission on Elections (COMELEC) para sa gaganaping National Elections sa Lunes, Mayo 9, 2022.

Pahayag ng COMELEC, binubuo ng limang clustered precincts ang bawat voting centers kung saan boboto ang mga rehistradong botante.

Ayon kay Comelec Region 4-A Regional Election Director Atty. Rafael B. Olaño, tinitiyak niyang magiging ligtas ang darating na halalan ngayong taon sa kabila ng maaaring pagdagsa ng mga botante sa voting centers sapagkat may mga nakatalagang medical personal sa bawat polling precincts na mag-oorganisa ng pagpapatupad ng minimum public health protocols.

“May staff na mag-sisiguro ng pagpapatupad ng COVID-19 protocols. Sa mga polling precincts ay magkakaroon din po tayo ng medical personnel na silang kukuha ng temperatura ng mga botante,”  ani ni Olaño.

Dagdag niya, magtatalaga rin sila ng mga ‘isolation polling place’ kung sakali mang may mga botanteng makikitaan ng posibleng sintomas ng COVID-19.

Ang botohan sa Lunes ay magsisimula nang alas-6 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi.