UNANG PAYOUT SALARY SA HIGIT 5,000 TUPAD BENIFICIARIES, IPINAMAHAGI

📷 DOLE-Rizal

Jennica D. Escrupulo

Ipinamahagi ng Department of Labor and Employment (DOLE) Rizal Provincial Office ang suweldo sa unang araw ng payout series sa mahigit 5,000 TUPAD benificiaries sa Rodriguez, Rizal kahapon, Mayo 6.

Alinsunod sa programa, pinangunahan ito ni Rizal Provincial Director Marivic B. Martinez kung saan nakatanggap ang bawat benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Displaced/Disadvantaged Workers (TUPAD) Program ng suweldo na nagkakahalaga ng Php 4,000 matapos silang magsagawa ng 10-day community service sa kani-kanilang lokalidad.

Dagdag pa rito, ang ipinamahaging halaga ay batay sa pinakamataas na umiiral na minimum wage sa Region IV-A CALABARZON.

Ang TUPAD Program ay laan para sa komunidad na may layuning makatulong at makapagbigay ng panandaliang trabaho sa mga displaced, disadvantaged, seasonal at underemployed na manggagawa mula sa impormal na sektor. Ang bawat benepisyaryo ay kinakailangang magbigay ng hindi bababa sa 10-araw na serbisyo sa komunidad tulad ng paglilinis at rehabilitasyon ng mga pampublikong lugar at opisina ng gobyerno.