MEDIA, SINUTOK AT TINADYAKAN NG BOTANTE SA BALAYAN

Ylou Dagos at Marlon Luistro

Balayan, Batangas – Sinuntok umano at pinagsisipa ng isang babaeng botanteng dating staff ng kongresista ang media practitioner na umaawat sa pagtatalo niya at ng isang pollwatcher sa voting precinct sa Jose Chua Ben Chong Memorial Elementary School, Barangay Magabe kaninang alas-10:13 ng umaga.

Ayon sa report, nagco-cover lamang ang biktimang si Edgardo Borita, correspondent ng J101.5 Big Radio, sa nasabing presinto nang mapansin niya ang pagtatalo ng suspek at botanteng si Lilian Villamin at ng isang pollwatcher.

Sinubukan umano niyang awatin ang dalawa pero di nagpaawat ang suspek hanggang sa sinuntok siya nito sa kanyang mukha at tinadyakan sa hita bago nagsabi ng maanghang na salita laban sa kanya.

Nagsampa na ng kasong slight physical injury, slander by deed and simple threat si Borita laban sa suspek, na ayon sa pulisya ay kasalukuyang at large o nagtatago pa rin. Depensa naman ng suspek sinakal umano siya ng biktima habang nagpakilala itong media at minumura siya kayat sinipa nya ito nang sinubukan muling atakihin siya.

Samantala, sa Facebook post ni Congresswoman Eileen Ermita – Buhain ay sinabi niyang kumakalat na ang video ng isang insidente ng pananakit sa Barangay Magabe na sangkot si Villamin

Pero itinanggi niyang chief of staff niya si Villamin gaya ng pagpapakilala nito.

“Enero 8, 2021 ay akin nang pormal na inanunsyo na hindi na bahagi ng aking tanggapan si Lilian Villamin. Sa kainitan ng eleksyon kailanman ay hindi solusyon ang karahasan,” ani Buhain sa kanyang pahayag.