3 ANG PATAY, KOTSE INARARO NG TRUCK

Ylou Dagos

Tatlo ang patay matapos salpukin ng rumaragasang truck na nawalan ng preno ang kanilang sinasakyang kotse sa national highway sa Nasugbu, Batangas Martes ng madaling araw.

Sugatan din  ang dalawa pang biktima kabilang ang pahinante ng truck at driver ng isa pang sasakyan na nahagip din ng truck.

Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Roland Adrias, 48; Rochelle Adrias Dimaano, 46; at Rachelle Anne Dimaano y Adrias, 23, pawang taga Barangay Luntal, bayan ng Tuy.

Isinugod naman sa ospital ang pahinanteng si Rolando Recto Jr, Taga Caloocan City.

Batay sa report ng Nasugbu police, sakay ang tatlong nasawi sa kotse na tinatahak ang Tagaytay-Nasugbu highway mula sa bayan ng Tuy patungo sa direksyon ng Maynila nang salpukin ito ng kasalubong na 12 wheeler truck. 

Kargado ng coal ang truck mula Bulacan patungong Lian, Batangas nang maganap ang aksidente dakong alas 3:00 ng madaling araw.

Ayon pa sa report unang nasabitan ng truck ang isang Ford Escape  matapos na ito ay mawalan ng preno sa pababang bahagi ng highway sa Barangay Aga.

Tumakbo pa ng halos limang kilometro ang truck bago nito nabangga ang kotse ng mga biktima pagdating sa kurbadang bahaging highway sa  Sitio Bukaki, Brgy Aga kung saan nakaladkad pa ang kotse  hanggang sa isang bakanteng lote.

Halos nawasak ang buong kotse at nagtamo ng mga grabeng pinsala ang mga sakay na siyang agarang ikinasawi ng mga ito.

Tumakas naman at pinaghahanap pa ng mga awtoridad ang ang driver ng truck na si Hilario Condez, taga Valenzuela City na ngayon ay nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide, physical injury at damage to properties.