TRUCK VS KOTSE: 4 PATAY SA NASUGBU

Tulong tulong ang mga tauhan ng Nasugbu Rescue sa pagsagip sa mga biktima ng aksidente kung saan sinalpok ng 12-wheeler truck ang isang kotse Martes ng madaling araw (đź“· Nasugbu MDRRMC)

Ylou Dagos / Marlon Luistro

Tatlong magkakamag-anak at isang truck driver ang namatay matapos araruhin ng isang 12-wheeler truck ang sinasakyang kotse ng mag-anak sa Nasugbu Martes ng madaling araw.

Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Roland Adrias, 48; Rochelle Adrias Dimaano, 46; at Rachelle Anne Adrias Dimaano , 23, pawang taga Barangay Luntal sa bayan ng Tuy.

Patay din ang truck driver na si Hilario Condez, taga Valenzuela City matapos maipit sa loob ng kanyang truck. 

Isinugod naman sa ospital ang pahinanteng si Rolando Recto Jr, residente ng Caloocan City.

Batay sa report ni PSSg Wilson Mendoza ng Nasugbu police, sakay ang tatlong nasawi sa kotse habang tinatahak ang Tagaytay-Nasugbu highway mula sa bayan ng Tuy patungo sa direksyon ng Maynila nang salpukin ito ng kasalubong na 12- wheeler truck sa Sitio Bukaki, Barangay Aga bandang alas-3 ng madaling araw

Kargado ng coal ang truck mula Bulacan patungong Lian, Batangas nang maganap ang aksidente. 

Ayon pa sa report unang nasabitan ng truck ang isang Ford Escape matapos na ito ay mawalan ng preno sa pababang bahagi ng highway. 

Tumakbo pa ng halos limang kilometro ang truck bago nito nabangga ang kotse ng mga biktima pagdating sa kurbadang bahagi ng highway kung saan nakaladkad pa ang kotse hanggang sa isang bakanteng lote.

Una nang napaulat na tumakas ang driver matapos ang aksidente pero nakita ito ng mga rescuers na naipit pala at patay na sa loob ng kanyang truck.