RACE OPERATIONS NG SSS UMARANGKADA SA BATANGAS

Azel Beatrice Cabiscuelas

Walong kumpanya sa lungsod ng Batangas ang binisita ng Social Security System (SSS) RACE Team ngayong araw upang bigyan ng show cause notice at hikayating ipaalala sa employers nito na sundin ang obligasyon sa ilalim ng RA 11199.

Ipinaliwanag ni Antonio Argabioso, SSS Senior Vice President ng Luzon Operations Group, na nararapat lamang na sumunod ang mga employer sapagkat ang pagsuway sa social security law ay isang criminal offense.

Bago nito ay dumulog sa Batangas City Mayor’s office ang mga opisyales ng SSS Batangas branch upang ipaalam ang detalye tungkol sa programang Run After Contribution Evaders (RACE) na may layuning mabigyan ng pagkakataong magkaroon ang delinquent employers ng pandemic relief at restructuring program.

Sa tulong ng naturang programa, hindi mabibiglang magbayad ng buong halaga ang employers na nakaranas ng financial distress dulot ng pandemya pagkat waived ang penalty na 2% at mababayaran pa nila ang kontribusyon para sa benefits ng kanilang mga empleyado.  

Mabibigyan din ng condonation ng penalty contributions ang employers na hindi nakabayad mula Marso 2020 hanggang kasalukuyan samantalang ang mga delinquent employer bago ang Marso 2020 ay maaari pa ring makapag-avail ng enhanced installment program hanggang Nobyembre 2022.

Ayon kay SSS Branch Head Tiffany Lobo, mayroon ding loan condonation ang SSS para sa mga miyembro nito na hindi nakakabayad ng loan at ito ay tatagal lamang hanggang Mayo 14.