AHENTE, PATAY MATAPOS MALUNOD SA BEACH SA LIAN

Marlon Luistro

Lian, Batangas – Dead on Arrival na sa Apacible Memorial District Hospital ang 47-anyos na networking agent matapos na malunod habang naliligo sa beach resort sa Barangay San Diego ng bayang ito noong Biyernes.

Kinilala ang biktimang si Nilo Patestad, taga-Barangay Vastra, Quezon City.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya alas-5 ng madaling araw nang dumating ang biktima kasama ang kanyang live-in partner at mga katrabaho sa Villa Raysort Resort para sa company outing. Ayon sa lifeguard na si Randy Rosales, naliligo sa dagat ang biktima at kanyang mga katrabaho nang malunod ito bandang alas-6 ng gabi.

Humingi ng saklolo ang mga katrabaho ng biktima sa nasabing lifeguard at agad siyang rumesponde para mahila ang walang malay na biktima palabas ng dagat. Agad na nagsagawa ng CPR ang lifeguard pero hindi tumugon ang biktima kayat dinala ito sa ospital kung saan siya idineklarang dead on arrival ng doctor.

Isinantabi naman ng pulisya ang anggulo ng foul play sa insidente.