LAMAYAN NIRATRAT, 1 PATAY 1 SUGATAN

Ylou Dagos

Paglalamayan na rin ngayon ang isang lalaking nakikipaglamay lamang sa pinaslang na kaibigan na isang barangay official  matapos ratratin ng mga hindi nakilalang salarin ang pinaglalamayang lugar sa Sariaya, Quezon maghahatinggabi noong Sabado.

Dead on the spot ang biktimang si Mark Ellizer Magsino, 34 anyos, taga Brgy. Sampaguita, Lipa City, Batangas samantalang  sugatan ang katabi nito na si Leo Mendoza, residente ng Barangay Bolbok sa nasabi ring lungsod.

Batay sa report ng Sariaya police, bandang alas 11:30 ng gabi, naglalaro ng baraha ang mga biktima sa isang lamesa sa lamay ng pinaslang barangay kagawad na si Apolinario Rivarez sa Bignay 2, Sariaya nang dumating ang suspek.

Bigla na lamang pinagbabaril nito ang biktima na nagtamo ng mga tama sa ibat ibang bahagi ng katawan na agad nitong ikinasawi.

Tinamaan naman sa mukha ang katabi nito na si Mendoza at isinugod sa ospital sa Lucena City.

Mabilis na tumakas ang suspek na sumakay sa isang naghihintay na motorsiklo na minamaneho ng kasabwat nito.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel William Angway, Hepe ng Sariaya Municipal Police Station, posibleng may kinalaman din sa pagkamatay ng pinaglalamayang si barangay kagawad na si  Apolinario Rivarez ang nangyaring krimen.

Si Rivarez ay pinagbabaril din ng hindi nakilalang suspek noong Martes ng gabi habang nakaupo sa loob ng kanilang bahay sa naturang barangay.

Ayon kay Col. Angway, may tinitingnan na silang anggulo sa pagkamatay ni Rivarez at may person of interest na rin.

Posible din umanong pananakot ng mga suspek ang sumunod na krimen upang hindi na magdemanda ang mga kaanak ng pinatay na kagawad laban sa mga hindi pa pinapangalanang suspek.

Nadamay lamang ang mga biktima na nanggaling pa sa Lipa City at nakipaglamay lamang sa kaibigang opisyal ng barangay.