5-ANYOS NA BATANG BABAE, HINIHINALANG PINATAY AT GINAHASA NG KAPITBAHAY SA BATANGAS CITY

📷 Batangas PNP

Marlon Luistro

Lungsod ng Batangas – Bangkay na nang matagpuan sa likod ng bahay ng suspek nitong Sabado ng umaga ang isang 5-anyos na bata isang araw matapos itong naiulat na nawawala sa may Purok 2 Barangay Wawa, Batangas City.

Walang saplot sa katawan ang biktima na ayon sa pulisya ay posibleng ginahasa muna bago pinatay ng suspek.

Sa inisyal na imbestigasyon ay lumalabas na nanood lamang ng basketball ang biktima sa kanilang lugar nang mapaulat na nawawala ito. Agad na inireport ng kanyang mga magulang sa pulis ang insidente.

Magdamag nilang hinanap ang bata hanggang kinabukasan ay bangkay na ngang nakita ang bata sa likod mismo ng bahay ng suspek.

Nahuli naman sa follow-up operation ng pulisya ang suspek sa krimen, ang 23-anyos na kapitbahay na si Mc Nair Villanueva.

Natukoy ang suspek batay na rin sa mga bakas ng dugo na nakita mismo sa palikuran sa likod ng bahay ng suspek. May nakita ring trash bag malapit sa bangkay ng biktima na ayon sa pulisya ay indikasyong tinangka pa ng suspek na isilid dito ang biktima para itapon ito kinagabihan ng Biyernes pero nahirapan ito hanggang naabutan na ng umaga ang bangkay ng bata.

Nakakulong na sa Batangas City Police Station ang suspek na nahaharap sa kasong murder. Wala pa siyang pahayag sa insidente.

Nagsagawa na ng autopsy ng SOCO para malaman ang sanhi ng pagkamatay ng biktima. Pero hinala ng pulisya, posibleng sinakal o binugbog umano ng suspek ang bata.