PAGTAAS NG SAHOD NG MGA MANGGAGAWANG CAVITEÑO, INAASAHAN NA

📷 Jolo Revilla FB

Jennica D. Escrupulo

Isang public hearing tungkol sa dagdag sahod ng mga manggagawa sa CALABARZON ang isinagawa ngayong araw, Mayo 16 sa Sangguniang Panlalawigan ng Cavite Legislative Building, sa pangunguna ng Regional Tripartite Wage and Productivity Commission.

Dinaluhan ang public hearing ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards Calabarzon (RTWPB IV-A) at Department of Labor and Employment Calabarzon (DOLE IV-A) Regional Director, Director Ezekiel Ronie de Guzman, Cavite Vice Governor Jolo Revilla, Labor Groups at Laborers kasama ang mga manggagawa mula sa pabrika ng Cavite gayundin ang mga kinatawan ng Management Group.

Ayon kay Revilla, apat na taon na ang nakalipas nang huling itaas ang sahod ng mga manggagawa sa Cavite kung kaya’t napapanahon na para itaas ito ngayon, lalo na’t walang tigil ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin dahil na din sa pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Kamakailan lang ay itinaas ang sahod ng mga manggagawa sa NCR, kaya naman panawagan nila sa Cavite ay itaas na din sahod kapareho nang sa NCR.

“Kung bibigyan ng parehong pagkilala ang kalagayan ng mga manggagawa at kumpanya at hindi kakayanin na maibigay ang sahod tulad ng sa NCR, panukala ko ay dagdag na P125 sa arawang sahod para umakyat mula P373 patungong P498 ang maaaring tanggapin na sweldo ng mga manggagawang Caviteño” ani Revilla.

Matatandaan na nagsumite ng Provincial Resolution ang lalawigan ng Cavite noong nakaraang taon sa pangunguna ni Vice Governor Jolo Revilla para isulong ang dagdag sahod ng mga Caviteño at nitong Abril taong kasalukuyan ay naging matagumpay ang public consultation na ginanap sa buong rehiyon.

Samantala, ayon kay DOLE IV-A Regional Director, hindi kinakailangang lumagpas sa 30 days matapos ang public hearing ay may resulta na magkano ang itataas ang sahod ng mga manggagawa sa CALABARZON.

“Positibo ang aking pagtingin na maitataas natin ang sahod ng mga manggagawa hindi lamang sa Cavite, kundi sa buong rehiyon” pagtatapos ni RD de Guzman.