2 PATAY SA PAMAMARIL SA TIAONG HIGHWAY 

Ylou Dagos

Patay ang isang lalaki at isang babae sa papamamaril ng mga hindi nakilalang salarin sa gilid ng highway sa Tiaong,  Quezon kaninang Martes ng madaling araw. 

Batay sa report ng Tiaong police,  nakasakay ang mga hindi pa nakikilalang biktima sa nakahintong motorsiklo sa terminal ng tricycle sa sambat ng Maharlika highway at Tiaong-San Juan road sa Barangay Talisay at tila may hinihintay dakong alas 3:30 ng umaga. 

Ayon sa witness,  biglang dumating ang mga suspek at nagbunot ng baril. 

Nakatakbo pa at humihingi ng tulong ang dalawa sa katabing gasoline station nang makorner ang mga ito at malapitang pagbabarilin. 

Nagtamo ang mga ito ng mga tama ng bala sa ibat ibang bahagi ng katawan at namatay noon din. 

Naglakad lamang umanong papalayo ang suspek. 

Narekober sa crime scene ang mga basyo ng kalibre 45 baril. 

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan sa mga biktima na parehong nasa edad 25 hanggang 35 anyos. 

Inaalam din ang motibo at kung sino ang mga suspek.