NAG-OVERTAKE SA ZIGZAG, RIDER TODAS SA TRUCK

Ylou Dagos

Patay ang isang motorcycle rider habang sugatan ang angkas nito matapos sumalpok sa kasalubong na 10-wheeler  truck sa zigzag road sa Brgy. San Francisco, Mabini, Batangas Martes ng umaga.

Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktimang si Gelarde Regla, 54 anyos, taga Biñan, Laguna.

Sugatan naman at ginagamot pa sa Mabini Community Hospital  ang backrider nito na si Jaymar  Anib.

Batay sa report ng Mabini police, bandang alas 10:00 ng umaga, tinatahak ng dalawa ang paliko-likong bahagi ng Bauan – Mabini road  nang mag overtake ito habang papalapit sa matalim na kurbada.

Bigla namang sumulpot sa kasalubong na linya ang 10-wheeler truck na minamaneho ni Jerian Berja, 26 anyos, at huli na para maiwasan nito ang motorsiklo.

Diretsong sumalpok ang motorsiklo sa unahan ng truck na ikinasugat ng dalawang biktima.

Agad isinugod ang mga ito sa ospital samantalang kusang loob na sumuko sa pulisya ang driver ng truck.