BATANGAS CITY HEALTH OFFICE, NAGSAGAWA NG AIDS CANDLELIGHT MEMORIAL

📷 Palakat Batangas City

Rica Mae A. Magsino

Bilang parte ng awareness campaign laban sa Acquired Immune  Deficiency Syndrome (AIDS), at Human Immunodeficiency Virus infection (HIV), nagkaroon ng isang AIDS Candlelight Memorial ang City Health Office (CHO) sa training room ng Office of the City Veterinary & Agricultural Services (OCVAS) noong Miyerkules, Mayo 18.

Nakukuha umano ang HIV/AIDS sa needle prick, dugo o iba pang blood products, pagtatalik, at maging sa gatas ng ina. Ito ay isang sexually-transmitted disease (STD).

Upang mabawasan ang kaso ng STD, at ang pagkamatay dahil sa sakit na ito, hangad ng “One Big Fight for Health and Rights of People Living with HIV” na palaganapin ang tamang impormasyon tungkol sa HIV/AIDS at iba pang sexually-transmitted diseases.

Ang kampanyang ito ay hindi lamang para sa mga miyembro LGBTQ Community kundi pati na rin sa lahat ng mga nakikipagtalik.

Nagkaroon muna ng isang banal na misa upang makapaglaan ng oras na ipagdasal ang mga pumanaw dahil sa nasabing sakit bago magsindi ng kandila.

Pinangunahan ni Mayor Beverly Dimacuha ang oath-taking ceremony, at pledge of commitment ng Local AIDS Council (LAC) na nangangasiwa ng HIV/AIDS interventions, at control programs para magkaroon ng kaalaman ang mga mamamayan kung paano maiwasan, at magamot ang naturang sakit.

Hinihikayat ng CHO na pumunta sa mga health centers ang mga taong may nais magpasuri, at magpacreening kung sakaling may ganitong kaso upang matugunan agad.