NAGBABADYANG KRISIS SA PAGKAIN, IKINABAHALA NG DA

📷 The New Humanitarian

Jemina Marie Daplin

Pinaalalahanan ng Department of Agriculture (DA) ang publiko sa nagbabadyang krisis sa pagkain sa bansa. Ito umano ay epekto ng pandemya at giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia.

Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, tuloy-tuloy ang kanilang pag-oobserba ng nagbabadyang krisis sa pagkain sa mundo na resulta rin ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

“Alam ninyo, ang mundo ngayon ay mayroon tayong mino-monitor na looming food crisis gawa ng COVID-19 pandemic, iyong Ukraine war at saka iyong pagtataas ng ­presyo ng petroleum. So, iyon ang nakikita natin, at marami na ring eksperto ang nagsasabi na there is a looming food crisis,” babala ni Sec. Dar noong Miyerkules sa idinaos na Laging Handa press briefing.

Bagamat may banta, sinigurado naman ni Dar na pinagpaplanuhan na ng kanilang ahensya ang pagtugon sa nakaambang krisis.

Subalit ayon sa kanya, kinakailangan umanong madagdagan ang pondo ng DA upang mapayabong nila ang kanilang ‘Plant, Plant, Plant program’.

“Ang aking hinihingi lang ay dagdagan dapat po ang pondo ng gobyerno nitong Department of Agriculture para iyong focused areas ng, say, Plant Plant Plant Program Part 2, kagaya ng pamimigay natin ng fertilizer subsidy; additionally, iyong urban and peri-urban agriculture; iyong local feed production; iyong food mobilization; aquaculture and fisheries – ito iyong focused areas,” pahayag ni Dar.

Sa pagpasok ng ikalawang semester ng taon umano mararamdaman ang ikinababahalang food crisis.