AABOT SA 10 METRONG SINKHOLE, NAMATAAN SA HARAP NG BAHAY SA TAAL

📷 Marlon Luistro

Marlon Luistro

Taal, Batangas – Kasunod ng malalakas na mga pag-uulang dala ng thunderstorms sa nakalipas na mga araw ay isang 10 metrong lalim na sinkhole ang namataan sa loob ng bahay ng isang residente ng Barangay Apacay, Taal, Batangas.

Maswerteng wala namang naiulat na  namatay o nasaktan sa nangyaring  pagguho ng lupa at wala ring nasirang gamit.

Kwento ng may ari ng bahay na si Pepito Balbacal, Lunes ng umaga nang unang mapansin ng kanyang misis ang sinkhole kasunod lamang ng malalakas na mga pag-uulan.

Sinilip niya ang  lugar at laking gulat na lamang niya nang makita ang malalim na hukay malapit mismo sa entrance gate ng kanyang bahay.

Bago pa man mabuo ang sinkhole ay may mga bitak nang nakita sa kanyang bahay bunsod ng pagputok ng bulkan pero di naman aniya gumuho ang  lupa nito.

Kayat malaki ang paniwala niya aniyang lumambot na ang lupa kasunod ng malalakas na buhos ng ulan at pagbaha kayat tuluyang bumigay na ito at namuo ang sinkhole.

Agad naman niyang ipinagbigay alam sa barangay ang insidente at naitawag na ito sa lokal na pamahalaan ng Taal.

Nangangamba naman si Balbacal na baka sunod nang gumuho ang  kanyang bahay sakaling muli na namang bumuhos ang malakas na pag-ulan na magpapalambot aniya sa lupa.

Bago pa man tuluyang gumuho ay nais niyang isalba man lang ang sasakyang nakagarahe sa kanyang tahanan. Kaya’t nananawagan siya sa lokal na pamahalaan ng Taal at sa mga kinauukulan na agad na aksyunan ang nasabing sinkhole at kung maaari ay tabunan muna ito ng lupa.

Kinordonan na ng lokal na pamahalaan ang bahay pati na ang barangay road na  malapit sa namataang sinkhole.

Ayon naman kay Taal Mayor Pong Mercado, sa ngayon ay hindi na muna pinalalapitan sa mga tao ang lugar malapit sa  kinakitaan ng sinkhole.

Hindi na rin muna pinadadaanan ang barangay road na kalapit nito para na rin sa kanilang kaligtasan.

Kasunod ng panawagan ng may ari ng bahay na kung pupuwedeng tambakan na muna ang nakitang sinkhole ay sinabi ni mayor na hindi muna tatambakan ng lupa ang malalim na butas habang hinihintay pa niya ang magiging rekomendasyon ng  mga eksperto mula sa Phivolcs at DENR Mines and Geosciences Bureau kung ano nga ba ang maaaring gawin dito.

Hindi raw naman kasi pupuwedeng tambakan na lamang ng lupa ang sinkhole kung guguho lamang muli ito oras na umulan.

Sakaling irekomendang wag nang patirhan ang nasabing bahay ay tiniyak niyang mayroon namang relocation site na pupuwedeng mapaglipatan sa nakatira dito kasama na ang hanggang 30 pamilya na naunang naapektuhan ng namumuong sinkhole sa iba pang mga barangay.

Makatatanggap din ng ayuda ang mga apektadong pamilya kabilang na si Mang Pepito.

Samantala, ayon kay Mercado ay hiningi na rin ng lokal na pamahalaan ang tulong ng Office of Civil Defense para maisurvey at tukuyin kung aling mga bahay at gusali sa bayan ng Taal na nakatayo ang may mga fissures o bitak nang sa gayo’y magawan ng karampatang aksyon. Habang isinusulat ang balitang ito ay nagpapatuloy ang nasabing survey.