SENIOR CITIZENS AT FRONTLINE HEALTH WORKERS, PWEDE NANG MAGPATUROK NG SECOND BOOSTER SHOT KONTRA COVID 19

Rica Mae A. Magsino

Opisyal nang idineklara ng Department of Health (DOH) na ang mga matatanda, at mga frontline health workers ay maaari nang magpa-second booster shot laban sa Covid 19 maliban sa mga mahihina ang immune system, Mayo 18.

Ang pagpapaturok ng pangalawang booster shot ay para mas maprotektahan ang mga high-risk na indibidwal laban sa panganib na dala ng Covid, at ng mga variants nito.

Bago nagbigay ng ganitong anunsiyo ang DOH ay nagkaroon ng rekomendasyon ang Health Technology Assessment Council (HTAC), at inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang emergency use authorization para sa pagtuturok ng 2nd booster shot sa mga matatanda, at frontliners na 18 taong gulang pataas.

“Everyone eligible can get the second booster jab done at the LGU vaccination sites nearest you. They are safe, effective, and free of charge,” pahayag ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

Tanging Pfizer, at Moderna ang mga bakunang maaaring iturok sa mga napiling indibidwal ayon sa panukala ng DOH.

Inirerekomendang apat na buwan ang nararapat na pagitan mula unang booster shot bago ang pangalawa.

Kailangang ipakita ang petsa ng unang booster shot na nakalagay sa vaccination card, at isang valid government-issued ID ang mga miyembro ng nasabing priority groups bago makatanggap ng pangalawang booster shot.