TRICYCLE SUMALPOK SA VAN, 2 PATAY 1 SUGATAN

Ylou Dagos

Dalawa ang patay habang isa ang sugatan nang ang kanilang sinasakyang tricycle ay bumangga sa kasalubong na van sa Mulanay, Quezon Sabado ng madaling araw.

Kapwa binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang magpinsang biktima na sina John Keneth Deraya 21 anyos, at John Kevin Deraya Macunat, 16 anyos, parehong residente ng Barangay Poblacion 1 ng nasabing bayan.

Sugatan din ang isa pang kasakay ng mga ito na si Michael Fortalez,  20 anyos.

Batay sa report ng Mulanay police, tinatahak ng topdown motorcycle na minamaneho ni Deraya sa national road nag tangkain nitong mag-overtake sa sinusundang  motorsiklo dakong alas 3:00 ng madaling araw.

Nasa proseso ito ng pag overtake nang biglang sumulpot ang kasalubong na van na minamaneho ni Argie Atibagos.

Hindi na nakabalik sa kanyang linya ang tricycle at sumalpok ito sa van.

Tumilapon sa kalsada ang mga biktima at nagtamo ng mga grabeng pinsala sa ulo at katawan.

Isinugod pa ang mga ito sa Bondoc Peninsula District Hospital sa bayan ng  Catanauan subalit binawin din ng buhay sina Deraya at Macunat.

Kinustodiya naman ng mga awtoridad ang driver ng van.