52 UNDEREMPLOYED WORKERS SA ANTIPOLO, NAKATANGGAP NG LIVELIHOOD STARTER-KITS

📷 DOLE CALABARZON

Ella Mae F. Villena

Sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo at Department of Labor and Employment Rizal Provincial Office (DOLE Rizal), limampu’t dalawang (52) manggagawa sa impormal na sektor ang matagumpay na nabigyan ng livelihood starter-kits upang magsimulang muli at mapalago ang kanilang sariling maliit na negosyo.

Matagumpay na naipagkaloob ng DOLE Rizal ang nasabing livelihood packages sa mga natukoy na benepisyaryo para sa mga negosyong fishball, siomai, burger, at banana cue.

Ang nasabing aktibidad ay pinamamahalaan ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP), isa sa mga pangunahing programa ng DOLE kung saan ang kagawaran ay nagbibigay ng mga materyales para sa livelihood start-up ng mga nagtatrabahong mahihirap, vulnerable at marginalized sector workers.

Samantala, inamin ni Arica, isang on-call na masahista sa Antipolo, na hindi naging madali ang kanyang buhay sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic. Ang pagpapalaki ng tatlong anak na walang tiyak na pinagkukunan ng kita ang nagtulak kay Arica na humingi ng tulong sa Pamahalaang Lungsod ng Antipolo at sa DOLE-Rizal Provincial Office.

“Salamat kasi, kahit papaano, ito ‘yung project nila malaking tulong pandadagdag [kita] sa pamilya namin. Maraming salamat sa DOLE,” dagdag ni Arica.

Sa pangunguna ni Rizal Provincial Director, Marivic B. Martinez at pagsuporta nina Livelihood Development Specialist Marecris Agasid at Antipolo Public Employment Service Office (PESO) Manager Marie Fe Iquin ay matagumpay na naisagawa ang pagkakaloob ng Kabuhayan Projects.