7 PATAY SA NASUNOG NA FAST CRAFT VESSEL SA QUEZON

📷 PCG

Ylou Dagos

Umabot sa pitong pasahero ang nasawi matapos na masunog ang  isang fast craft vessel sa karagatan sakop ng Real, Quezon nitong Lunes ng umaga.

Ayon kay  Philippine Coast Guard  spokesperson Commodore Armando Balilo,    lima sa pitong namatay ay mga babae at dalawang lalaki.

Kinilala ang mga nasawi na sina   Viola Empreso, Marivic Samareta, Edna Balanac, Mina Enciso, Charito Escareces, Andy Tejares, at Crisanto Debelles.

Nasa 24  naman sa mga pasahero ang nasugatan at dinala sa mga ospital sa mga kalapit na bayan.

Nasagip naman ang 103 pang sakay na pawang ligtas ang kalagayan.

Batay sa report ng PCG dakong alas 6:00 ng umaga nang masunog ang   MV Mercraft 2, habang nasa  kalahating milya na lamang ang layo sa port of Real sa may bahagi dagat  ng Baluti Island, Barangay Cawayan.

Galing sa  Polillo island  ang fast craft at patungo sa Real nang mangyari ang trahedya.

Umalis ito sa Polillo port sa bayan ng Polillo  dakong alas 5:00 ng umaga lulan ang 134  na katao kabilang ang 126 na pasahero  at  8    crew.

Dakong alas 6:30 nang magpadala  ito ng distress signal matapos na magsimula ang apoy sa engine room nito.

Mabilis na lumaki ang apoy at nagtalunan sa dagat ang mga pasahero.

Agad namang sumaklolo ang apat  na motorbanca ng mga mangingisda, dalawang RORO vessel na malapit sa lugar.

Tatlong search and rescue team mula sa PCG ang agad ding idineploy sa lugar.

Idineklarang fire under control ang sunog sa fast craft dakong alas 9:30 ng umaga at hinatak ito ng isa pang bangkang MV Triple Kent   patungo sa Baluti Island, sa Brgy. Cawayan.

Ayon pa  sa Philippine Coast Guard (PCG) Command Center, gawa sa fiberglass ang naturang fast craft vessel at may total capacity na 186 na pasahero.