PULIS, BIKTIMA NG ‘BASAG KOTSE’ GANG SA BATANGAS

Ella Mae F. Villena

Nanakawan ng service firearm, pera, at iba pang personal na gamit ang isang policewoman mula sa bayan ng San Pascual sa lalawigan ng Batangas, matapos ito maging biktima ng “basag kotse” gang nito lamang Linggo, ganap na ika-22 ng Mayo, 2022.

Ayon sa CALABARZON Police, ipinarada ni Corporal Risciliza De La Cruz ang kanyang sasakyan at iniwan ito bandang alas-6 ng gabi sa harap ng massage at therapy clinic sa Barangay Poblacion.

Pagbalik niya makaraan ang mahigit apat na oras, nakita niyang basag-basag na ang salamin ng bintana sa kaliwang bahagi ng kanyang sasakyan.

Bukod dito, iniulat niya sa pulisya na nawala ang kanyang 9mm-caliber service firearm na may 15 bala, isang itim na bag na naglalaman ng P100,000 na cash, at limang credit card.

Samantala, hindi binanggit sa ulat kung may mga security camera sa lugar. Patuloy padin na isinasagawa ang imbestigasyon hanggang sa mahuli ang mga suspek ng nasabing krimen.