SSS CONTACT INFORMATION UPDATING NG MGA MIYEMBRO, IBINALIK NA SA MY.SSS PORTAL

Ysabelle Anne Sibi

Maaari na muling mag-update ng contact information sa My.SSS portal ang mga miyembro ng Social Security System matapos maibalik ng ahensya ang online updating records noong Mayo 16.

Ayon sa SSS President at Chief Executive Officer na si Michael Regino, hindi na kinakailangang pumunta sa anumang sangay ng SSS upang mag sumite ng member data change request ang mga miyembro na mayroon nang account sa My.SSS, dahil maaari nang mag update ng mga detalye tulad ng numero sa telepono, mobile number, mailing address, foreign address, at e-mail address sa nasabing online portal. Pwede na rin mag-update ng contact details ang mga wala pang contact information liban sa kanilang mobile number.

Samantala, dapat na pumunta sa kahit anong sangay ng SSS ang mga miyembro na wala pang rehistradong numero upang mag sumite ng Member Data Change Request Form at makapagbigay ng kanilang mobile number.

Maaaring mag-set ng appointment sa pamamagitan ng kanilang My.SSS account o kaya mag-walk in batay sa number coding scheme ang mga concerned members.

Muling ibinalik ang online updating ng contact details upang magkaroon ng maginhawa at ligtas na paraan ang mga miyembro sa pag-update ng kanilang SSS records. Matatandaang pansamantalang sinuspinde ito ng ahensya noong Agosto 3, 2021 sa My.SSS upang mapahusay ang nasabing portal at ang security features nito para sa proteksyon ng kumpidensyal na impormasyon ng bawat miyembro.

Pinapaalalahanan ang lahat ng miyembro na kailangan ibigay ang updated contact information sapagkat dito ipapadala ang mga mensahe at updates na magmumula sa SSS.