DILG, HINIKAYAT ANG MGA LGU NA IPATUPAD ANG “NO CCTV, NO BUSINESS PERMIT” POLICY

Ira Claire E. Marasigan

Inatasan ng Department of Interior and Local Government ang mga lungsod at munisipyo na magpasa ng ordinansang magmamandato ng pagkakabit ng mga closed-circuit television (CCTV) systems sa mga establisyementong humihingi ng business permit.

Binanggit ni Secretary Eduardo M. Año na siya ring Chairperson of the National Peace and Order Council, na ang mga CCTV ay kailangan upang mapanatil ang seguridad ng publiko habang bumabalik na sila sa “pre-pandemic ways.”

“Kailangang pangunahan ito ng LGU partikular ng kanilang Sanggunian sapagkat malaki ang ambag nito [CCTVs] sa laban natin kontra kriminalidad,” ani Año.

Ayon sa DILG Memorandum Circular (MC) No. 2022-060, kabilang ang mga bangko, sanglaan, money lenders, money remittance services, malls, supermarkets, palengke, ospital, clinic, at laboratoryo, pati na ang iba pang lugar na itatakda ng mga LGU, sa dapat maglagay ng CCTV.

Sinabi rin ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya na dapat ay may kalidad na CCTV ang ilagay upang malinaw ang video at madaling matutunton ang mga kriminal.