2 LASING PATAY SA PAGKALUNOD SA LAGUNA AT QUEZON

Ylou Dagos

Dalawang lalaking pareho umanong nakakainom ang nasawi sa pagkalunod sa dalawang magkahiwalay na insidente sa Cavinti, Laguna at Lucena City nitong Martes.

Sa Laguna, nasawi ang painter na si Nilo Amore, 53 anyos, taga Batangas City, matapos na ito ay mahulog sa sinasakyang kayak habang tumatawid sa lake sa Brgy. Inao-awan sa bayan ng Cavinti.

Galing umano sa inuman ang biktima kasama ang dalawang katrabaho sa construction site, at papauwi na sa kanilang barracks nang mawalan ito ng balanse at mahulog sa tubig dakong alas 9:30 Lunes ng gabi.

Sinubukan pa itong sagipin ng dalawang kasama at ng mga rumespondeng mangingisda at mga barangay officials subalit tuluyan na itong nawala sa tubig.

Bandang alas 8:30 na Martes ng umaga nang makita ng mga rescuer ang wala ng buhay na katawan nito sa kailaliman ng lawa.

Sa Lucena City, nasawi naman ang 48 anyos na scrap collector na si Bernie Gruta matapos na ito ay malunod sa ilog sa Barangay Ilayang Iyam.

Nakainom din umano ang biktima at naglalakad sa baybay ilog nang madulas ito sa batuhan at mahulog sa tubig pasado alas 12:00 ng tanghali.
Agad itong tinangay ng agos patungo sa malalim na bahagi.

Wala na itong buhay nang matagpuan ng mga rescuer makalipas ang ilang oras.