TRUCK NAHULOG SA KANAL, MAG-INA PATAY,  TATAY AT 1 PANG ANAK SUGATAN

📷 Joy Ris Mahinay

Ylou Dagos

Patay ang isang 43-anyos na ginang at kanyang dalawang taong gulang na anak matapos na ang truck na sinasakyan ng mga ito  na minamaneho ng kanyang asawa ay mahulog sa kanal sa  San Andres, Quezon  Biyernes ng umaga.

Kinilala ang nasawi na si Rosemarie Abonales, 43 anyos, taga Brgy. Pugawan, bayan ng San Francisco, Quezon, at ang kanyang 2-anyos na anak.

Sugatan naman ang padre de pamilya na nagmamaneho ng truck na si Reynaldo Abonales, 49 anyos, at ang isa pa nilang anak  na si Rhina Rose Abonales, 16 anyos.

Batay sa report ng San Andres police, galing Lucena City at papauwi na sa kanila,  sakay ang mag-anak sa kanilang Isuzu Elf Truck na kargado ng ibat-ibang paninda sa kanilang tindahan nang  mahulog ito sa kanal habang binagtas ang San Andres-San Franciso road sakop ng Sitio Dao, Brgy. Talisay dakong alas 8:00 ng umaga.

Ayon sa imbestigador, madaling araw pa umalis sa Lucena City  ang mag-anak at  napaidlip ang nagmamanehong tatay kaya nawala sa linya  ang truck nagbunsod para mahulog ito sa kanal.

Dahil mabilis ang takbo tumagilid ang truck at nagtamo ng pinsala ang mga sakay.

Agad isinugod ang mga biktima sa ospital subalit idineklarang dead on arrival na ang mag-ina.

Sumabog din sa kalsada ang mga pinamiling halo halong paninda ng negosyanteng mag-asawa.