2 MENOR PATAY SA MAGKAHIWALAY NA INSIDENTE NG PAGKALUNOD SA BATANGAS

2 MENOR PATAY SA MAGKAHIWALAY NA INSIDENTE NG PAGKALUNOD SA BATANGAS

Marlon Luistro

Dalawang menor de edad ang namatay sa magkahiwalay na insidente ng pagkalunod sa mga bayan ng Lian at Lemery noong Linggo.

Sa ulat ng Lian police, lumalangoy lamang ang 14-anyos na lalaking biktimang taga-Quezon City kasama ang dalawa niyang pinsang sila Jed Pelano at Luige Villarama sa may El Paye Beach Resort sa Barangay Lumaniag, Lian bandang alas-8:20 ng umaga nang di nila mapansing nasa malalim na bahagi na pala sila ng dagat.

Nalunod ang biktima kayat agad na humingi ng saklolo ang mga pinsan nito at hinila siya mula sa dagat.

Dinala ang biktima sa Apacible Memorial District Hospital sa bayan ng Nasugbu pero idineklara nang dead on arrival bandang alas-9:55 ng umaga ni attending physician Dr. Jerome dela Trinidad.

Samantala, patay din sa hiwalay na insidente ng pagkalunod sa bayan ng Lemery ang anim na taong gulang na batang lalaking taga-Barangay Poblacion West, Alitagtag.

Sa ulat ng Lemery police, nangyari ang insidente sa pagitan ng alas-9 hanggang alas-10 ng  umaga sa may Orlando’s Beach Resort, Barangay Nonong Casto.

Batay sa imbestigasyon, aksidenteng nadulas ang biktima sa hagdan at diretsong nahulog sa swimming pool na naging dahilan ng kanyang pagkalunod. Makalipas ang ilang sandali ay nagtulong-tulong ang  mga taong nakakita na iahon ang biktima mula sa pool at binigyan ng first aid pero hindi siya nagkaroon ng malay.

Agad siyang dinala sa Batangas provincial hospital pero idineklara nang dead on arrival ni attending physician Dr. Dennis Bacolor.

Kapwa wala namang pahayag pa ang pamunuan ng El Paye Beach Resort at Orlando’s Beach Resort sa nangyaring pagkalunod sa kanilang lugar.