GUNMAN NAGKAPE MUNA, GINANG TINODAS SA HARAP NG ASAWA

Ylou Dagos

Patay ang isang ginang matapos na barilin ng isang lalaking humingi pa sa kanya ng kape sa Calauag, Quezon Linggo ng umaga.

Kinilala ng Calauag police ang biktima na si Marilou Recentes, 55 anyos, residente ng Sitio Tinambolan, Barangay Pinagsakayan.

Batay sa report, dakong alas 5:30 ng umaga nang dumating ang hindi nakilalang suspek sa bahay ng mga biktima habang ang ginang at ang mister nito na si Andres Recentes, 60 anyos, ay naghahanda ng almusal.

Humingi muna ng kape ang suspek pero sa hindi malamang dahilan ay bigla nitong sinabihan ang mag-asawa ng “dapa kayo para walang masaktan”.

Habang nakadapa ang mag-asawa, naglabas ng baril mula sa kanyang sling bag ang suspek at dalawang beses na binaril ang babae sa ulo.

Agad nasawi ang ginang samantalang mabilis na tumakas ang suspek. Hindi naman sinaktan ng suspek ang mister ng biktima.

Patuloy pa ang imbestigasyon at inaalam ang motibo sa krimen at kung sino ang suspek.