12 BAYAN SA BATANGAS, MAWAWALAN NG KURYENTE SA SABADO

Marlon Luistro

Mawawalan ng kuryente sa poblacion at lahat ng barangay sa 12 bayan sa lalawigan ng Batangas ngayong darating na Sabado, June 4, ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Sa inilabas na anunsyo ng NGCP, mawawalan ng kuryente mula alas-6 ng umaga hanggang alas- 6 ng gabi.

Yan ay upang magsagawa ng preventive/corrective maintenance at iba pang gawain.

Kabilang sa apektadong lugar ang Poblacion at lahat ng barangay sa Agoncillo, Calatagan, Nasugbu,Sta. Teresita, Balayan, Lemery, San Luis, Taal, Calaca, Lian, San Nicolas at Tuy.

Gayun din, ang BATELEC I ay magsasagawa ng kaukulang maintenance activities kasabay ng mga nabanggit na gawain ng NGCP.

Ayon sa BATELEC I, maaaring ibalik ang serbisyo ng kuryente ng mas maaga kung matatapos kaagad ang nasabing pagawain.

Gayunman, nilinaw ng power cooperative na sakaling maantala ang pagpatay o pagbabalik ng serbisyo ng kuryente, ay hindi aniya kontrolado ng BATELEC I ang itinakdang oras ng NGCP.