SUSPEK SA ROBBERY, RAPE-SLAY ARESTADO SA BATANGAS

Arnell Ozaeta

Batangas – Nasakote ng mga miyembro Lipa City Police ang mga pinaghahanap na mga suspek na sangkot sa insidente ng pagnanakaw, panggagahasa at pagpatay sa lungsod ng Lipa noong nakaraang buwan. 

Kinilala ang mga suspek na sina Rogelio Jose, 35 at Kenneth Manzanero, 31, pawang mga residente ng Riles Site, Purok 2, Brgy. Balintawak, Lipa City. 

Ayon sa imbestigasyon, ang dalawang suspek ay isinasangkot sa pagpatay at panggagahasa kay Lorena Roaring noong Abril 19 sa lay-by ng KM 78+900 Southbound, Startollway, Brgy. Tibig, Lipa City, Batangas at isa pang babaeng biktima. 

Ito ay matapos kilalanin ng asawa ni Roaring na si Mark ang mga gamit ng kanyang asawa na narekober mula sa mga suspek. 

Una nang inereklamo ng isang Jojie Mayo si Jose dahil sa panunutok at pagpapaputok ng baril na nagbunsod para arestuhin ito. 

Sa isinagawang operasyon ng Lipa police, narekober mula kay Jose ang isang kalibre 45 na Colt MK IV baril, mga bala, magazine, at isang Realme cellphone. 

Narekober naman mula kay Kenneth Manzanero ang isang kalibre 22 na magnum revolver at mga bala para sa kalibre 45. na baril. 

Gayunman, habang iniimbestigahan sina Jose at Manzanero sa Lipa police station, nakilala naman ng 36-anyos na babaeng biktima ng panggahasa at pagnanakaw ang dalawa na sila umanong gumahasa at nagnakaw sa kaniya. 

Habang isinasagawa ang imbestigasyon sa mga naarestong suspek, agad na nakilala ng babaeng biktima ang Nike slip-on na tsinelas na suot ng suspek na si Rogelio Jose na siya ring suot na tsinelas nito noong araw na ninakawan at ginahasa sya. 

Samantala, narekober din mula sa tirahan ng mga suspek ang isang PAF uniform green t-shirt, itim na EGO DENIM EDGE na pantalon. 

Kabilang din sa mga narekober ang garterized band; isang Samsung cellphone; isang Huawei Cellphone; isang lucky bracelet na itim; at isang itim na bag na may trademark na HP na pag-aari ng biktimang si Lorena Roaring

Nasampahan na ng kasong “Robbery with Rape” ang mga suspek noong Mayo 30, 2022 sa opisina ng Assistant City Prosecutor ng Lipa City.

 “Binibigyang pagkilala natin ang mga kapulisan ng Batangas dahil sa agarang paglutas ng mga kasong kinasangkutan ng mga naarestong suspek. Ang inyong ipinamalas na husay sa pagsasagawa ng imbestigasyon, ay patunay lamang ng inyong dedikasyon sa pagtupad sa inyong tungkulin” pahayag ni Region 4 Police Director General Antonio Yarra.