PAGBABAKLAS NG MGA ILIGAL NA ISTRUKTURA SA LAWA NG TAAL NAGPAPATULOY

Ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) CALABARZON, sa pamamagitan ng Protected Area Management Office – Taal Volcano Protected Landscape (PAMO-TVPL), ay magsasagawa ng isang pagbabaklas ng mga iligal at abandonadong istruktura sa Brgy. Gulod at Buso-Buso, Laurel, Batangas simula 31 ng Mayo hanggang 6 Hunyo 2022.

Batay sa isinagawang imbentaryo ng PAMO-TVPL, naitala na 63 fish corrals o baklad, and iligal na nakatayo sa baybay lawa ng nasabing dalawang barangay. Ang nasabing mga istruktura ay maaaring maging hadlang o sagabal sa mga gagawing pagresponde sa panahon ng peligro at maituturing na panganib sa mga dumadaang bangka.

Ang pagbabaklas na ito ay alinsunod sa Kautusang Pampangisdaan ng TVPL at sa PAMB Resolution No. 91, series of 2021, kung saan nakasaad ang permanenteng pagbabawal ng pagtatayo at operasyong ng iligal na baklad sa buong Lawa ng Taal. Nakasaad din sa resolusyon na ito na pansamantalang pinayagan ang operasyon ng fish coral o baklad sa loob ng anim (6) na buwan simula Hulyo hanggang Disyembre taong 2021 ngunit tatanggalin at babaklasin pagkatapos ng ibinigay na palugit.

Ang aktibidad na ito ay pinangunahan ng DENR CALABARZON, PAMO-TVPL, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) IV-A, katuwang rin ang PNP Maritime Group, Philippine Coast Guard, at ilang mga law enforcement agencies. (DENR 4A)