BARANGAY TANOD, NALUNOD SA TAAL LAKE

Marlon Luistro

Lungsod ng Lipa, Batangas – Patay ang 47-anyos na barangay tanod matapos na malunod habang lumalangoy sa may Taal Lake sa may Sitio Tagbakin, Barangay Halang noong Sabado ng umaga.

Nasawi sa pagkalunod ang biktimang kinilalang si Edwino Manzanaris, tanod ng Barangay Marauoy.

Sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas-10 ng umaga nang magtungo ang biktima at kanyang mga kasamahang barangay functionaries sa lawa para lumangoy. Sumakay ang biktima at kanyang dalawang kasamahan sa balsa bago nagtungo sa lawa.

Sa puntong iyon ay tumalon sa lawa ang biktima para lumangoy pero hindi na ito lumutang pa kayat agad na humingi ng saklolo ang kanyang mga kasama. Bandang alas-11 ng umaga nang matagpuang walang malay ang biktima sa may salabay sa ilalim ng lawa.

Agad na iniahon ang biktima sa lawa pero wala na itong buhay kayat nagdesisyon na ang pamilyang dalhin ang kanyang labi sa San Fernando Funeral Homes sa Lipa. Hindi na ipina-autopsy pa ng pamilya ng biktima ang bangkay nito at pumirma na rin sila ng waiver para sa nasabing desisyon.