TUBIG SA 9 BAYAN SA BATANGAS, NAGPOSITIBO SA ARSENIC

Marlon Luistro

Lungsod ng Batangas – Nagpositibo sa arsenic ang tubig sa siyam na lugar sa Lalawigan ng Batangas.

Yan ay batay sa datos na ibinahagi ng Provincial Inter-Agency Task Force on Arsenic – Taal Volcano Protected Landscape (TVPL) sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council meeting sa Provincial Auditorium, Capitol Compound noong ika-2 ng Hunyo

Sa ulat ni Dr. Rhodora Reyes, Batangas Medical Center Toxicology Center chief, at tumatayo ring pinuno ng Provincial IATF on Arsenic-TVPL, ang arsenic ay isang kemikal na carcinogenic o maaaring magdulot ng cancer, masamang epekto sa balat ng tao at sa mga sanggol na hindi pa isinisilang.

Nakapapasok ito sa katawan sa pamamagitan ng paglunok o pag-inom ng kontaminadong tubig.

Matatandaang unang napansin ang presensya ng arsenic sa mga balon ng tubig matapos pumutok ang Bulkang Taal noong January 12, 2020.

Kabilang sa mga lugar na may mataas na lebel ng arsenic ay matatagpuan sa mga bayan ng Laurel, Balete, San Nicolas, Mataas na Kahoy, Alitagtag, Sta. Teresita, Lemery, Taal at lungsod ng Tanauan.

Ang lebel ng arsenic sa mga nabangit na bayan ay mas mataas sa standard o normal level, na 10 parts per billion (pbb).

Patuloy naman ang monitoring sa lebel ng arsenic sa mga bayan na nakapaligid dito.

Bilang tugon dito ay naglaan ang Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng P3.5 Milyon mula sa kanilang trust fund para makatulong sa isinasagawang mga water tests.