P47.00 – P97.00 NA MINIMUM WAGE PARA SA MGA MANGGAGAWA NG CALABARZON, APRUBADO NA

📷 PIA CALABARZON

Denise Abante

Inaprubahan na ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang P47.00 hanggang P97.00 na karagdagang arawang sahod para sa mga minimum wage earners sa rehiyon ng CALABARZON.

Kinumpirma ito ni Director Rolly Francia ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa isang panayam sa radyo.

Batay sa Wage Order RBIVA-19, magiging P470 and baging minimum wage para sa mga non-agriculture sector workers sa mga lugar na nasa extended metropolitan area na kinabibilangan ng Antipolo City at Dasmariñas City; P429 naman ang bagong minimum wage para sa mga component cities at first class municipalities habang P390 naman para sa mga nasa second hanggang sixth class municipalities.

Samantala, P429 naman ang bagong minimum wage para sa mga manggagawa sa sektor ng agrikultura sa mga extended metropolitan area, component cities at first class municipalities kasama ang Antipolo City at Dasmariñas City. Para naman sa mga nasa second at third class municipalities, magiging P390 ang kanilang arawang sahod habang P350 naman para sa nasa fourth hanggang sixth class municipalities.

Ayon kay Department of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III, ilan sa mga isinaalang-alang ng RTWPB sa pagtatakda ng panibagong minimum wage order ay ang tinatawag na ‘purchasing power’ng mga manggagawa, epekto ng COVID-19 pandemic, antas ng sahod sa mga hindi nalalayong sitwasyon sa ibang rehiyon, pagpapasimple ng umiiral na wage structure, at ang pagsulong ng pagpapalawak ng industriya sa iba’t-ibang rehiyon.

Dagdag pa ni Bello, ang naturang dagdag sa arawang sahod ay ibibigay sa pamamagitan ng dalawang tranches: una, ang umento ay ibibigay oras na maging epektibo ang bagong minimum wage order habang ang ikalawang tranche naman ay matatanggap anim na buwan pagkatapos nito.