LIPA CITY, NAGLUNSAD NG MGA AKTIBIDAD PARA SA DARATING NA CITYHOOD ANNIVERSARY

đź“· Mayor Eric B. Africa Facebook Page

Alynna Marie Calayag

Opisyal na naglabas ang pamunuan ng Lungsod ng Lipa ng listahan ng mga aktibidad na kanilang inihanda bilang bahagi ng pagdiriwang ng kanilang ika-75 Cityhood Anniversary.

Magsisimula ang “weeklong celebration” sa ika-13 ng Hunyo  habang magtatapos naman ito sa mismong araw ng anibersaryo, ika-20 ng Hunyo.

Bubuksan ang  Food Fair at Lomi Festival sa unang araw ng selebrasyon habang sa ika-14 ng Hunyo naman ang Lipa LGU Exhibit at World Blood Donor Day. Sa Hunyo 15, gaganapin ang isang pet show na “Extra Bonggang Alaga” at isa pang programa na “Lipa Trivia”.

Isang painting workshop at paligsahan tulad ng Quizbee at Dance Contest ang nakatakdang maganap sa ika-apat na araw ng selebrasyon. Sa ika-17 ng Hunyo naman ang Singing Contest at Thanksgiving Mass na naging parte na ng tradisyon.

Samantala, gaganapin naman ang Citywide Clean Up Drive at Feeding & Medical Mission sa Hunyo 18 habang sa mismong araw naman ng pagdiriwang, Hulyo 20, nakatakdang maganap ang programang “Tara sa Tagbakin” at 75th Anniversary Culminating Event. Kasama rin sa ipagdiriwang ngayong buwan ang Philippine Independence Day, Fathers’ Day at LGBT Pride Month.

Bagamat, wala pang inaanunsyong lugar kung saan gaganapin ang mga aktibidad, hinimok naman ng pamunuang panglungsod ang bawat Lipeno na makiisa sa pagdiriwang.